Naglinis ako ng bahay kahapon. Ngayon kailangan na namang magwalis. Kahit araw-arawin ko yata ang paglilinis ay sadyang hindi nauubos ang mga dumi. Wag ko na lang kayang linisin - kahit isang linggo lang! Pero pihado magmimistulang haunted house ang bahay namin. Dadami ang mga gagamba, sapot at alikabok.
Sa katawan kaya... Naligo na ako kahapon. Masubukan kaya na sa isang buwan na lang maligo uli? Ah sigurado, magkakaroon ako ng extra powers. Yun bang tipong papalapit pa lamang ako sa iba ay unti-unti na silang maglalaho na parang nakakita ng maligno. Yan ay dahil sa kakaibang powers na dala ko.
Question, ang kaluluwa’t isipan kaya ng tao ay kailangan ding linisin? Nadudumihan nga rin ba ito sa pagdaan ng mga panahon? Nakapagpaparumi nga kaya ang mga mahahalay na babasahin sa mga tabloids, magazines at porn sites? gayundin ang mga violent movies at iba pang mga di kaaya-ayang panuorin?
Pwede din di ba! At paano kaya malilinis ang mga ito? Regular prayers? meditation? pagsisimba? pakikinig sa Mabuting Balita? paggawa ng mabuti? posible din. Hindi naman ako nagmamalinis o nagmamarunong, makasalanan din ako. Pero kung tuwing Holy Week lang natin gagawin ang paglilinis ay baka maipon ang alikabok sa katagalan. Magiging makapal ang dumi at saka magiging sanhi ng pagkawala ng konsyensya. At para sa akin, ang buhay na walang konsyensya ay walang direksiyon. At ang buhay na walang direksyon ay naghahatid ng kalungkutan. At sino nga ba ang may gusto ng miserableng buhay?
Anyway, napag-isip-isip ko lang yan habang nagwawalis. Hindi pa pala tapos ang aking walisin, tuloy ko muna.
No comments:
Post a Comment
Your comments are highly appreciated. Thank you!